Noong araw, ang ating mga daliri ay magkakadikit o magkakalapit. Ang pinakamaliit ay si Kalingkingan at ang pinakamataas naman ay si Hinlalato. Halos magkasintaas sina Hintuturo at Palasingsingan. Tanging si Hinlalaki ang mataba ngunit pandak. Ang magkakapatid at tulong-tulong sa mga gawain maliban kay Hinlalaki na madalas ay tumatakas sa mga gawaing-bahay.
Isang araw, habang si Hintuturo ay naglilinis ng bakuran, katulong si Hinliliit, ay napansin niya na may natutulog sa ilalim ng punong mangga.
“Hinliliit, sino ang naroroon sa ilalim ng puno?” tanong ni Hintuturo.
“Ewan ko,” tugon ni Hinliliit. “Nagluluto si Hinlalato at naglilinis ng bahay si Palasingsingan.”
“Kung gayon, kung hindi ako nagkakamali, si Hinlalaki iyon,” wika ni Hintuturo.
“Alam mo, madalas na hindi tumutulong si Hinlalaki sa ating mga gawain,” sumbong ni Kalingkingan. “At pag oras na nang kainan, siya ang unang-una sa hapag.”
“Halika, tawagin natin sina Hinlalato at Palasingsingan,” yaya ni Hintuturo.
Nag-usap ang apat na magkakatid. Lahat sila ay nakapansin sa ugali ni Hinlalaki. Napansin din nila na sa kanilang lima, tanging si Hinlalaki lamang ang tumataba.”
“Paanong hindi yan tataba, bukod sa puro pahinga, ang lakas pang kumain,” wika ni Hinalalato.
“Mula ngayon, humiwalay na tayo sa kanya,” mungkahi ni Hintuturo. “Kailangan din na sa lahat ng ating gawain ay tulungan niya tayo. Bigyan din natin siya ng isang trabaho na siya lamang ang gagawa.”
“Anong trabaho iyon?” usisa ni Hinliliita.
“E di, magtiris ng kuto,” patawang wika ni Hintuturo.
Masayang nagkasundo ang mga magkakapatid. Buhat noon, hiwalay na si Hinlalaki sa kanyang apat na kapatid.
source: Sigay4, pg190